Nagkataon na sa parehong araw inanunsyo ni Pangulong Marcos na magiging National Bike-To-Work Day ang huling Biyernes ng Nobyembre, at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na wala nang diskwento sa pamasahe para sa mga mananakay ng bus sa EDSA? Tila minumungkahi na magbisikleta na lamang ang mga tao papunta sa kanilang trabaho bilang alternatibo sa pagsakay ng bus kung natataasan sila sa pamasahe o wala silang pamasahe.
Mainam naman na magbisikleta ang mga tao bilang tulong sa pagpapababa ng level ng polusyon sa mga mega-siyudad. Lahat ng bansa ay may tungkulin na pababain ang emisyon sa hangin upang makontrol ang pag-init ng mundo na siyang nagdudulot ng mas malalakas na bagyo na nagdadala naman ng matinding baha.
Bukod sa makakatulong tayo sa adhikaing pabor sa kalikasan o pag-iwas sa delubyo kapag magbisikleta tayo, makakapag-ehersisyo rin tayo para maging mas malusog ang ating katawan.
Ngunit praktikal bang magbisikleta sa tindi ng init ng araw? Bagaman may mga angkop na pananamit na isinusuot ng mga siklista, hindi ito mainam kung sa trabaho ang pupuntahan dahil papawisan rin ng husto ang nagbibisikleta at mag-aamoy araw o pawis na hindi magandang maamoy sa loob ng opisina.
Hindi rin sigurado ang kaligtasan sa pagbibisikleta sa siyudad na kulang sa mga bike lane. Ang mga bike lane ay hindi lubos na para sa mga nagbibisikleta lamang dahil dito rin dumadaan ang mga nagmomotorskilo pati mga sasakyan.
Pag-uwian naman, peligroso ang pagbibisikleta sa gabi dahil maaaring mabangga ang mga nagbibisikleta ng mga nagmamadali ring mga nagmomotorsiklo at nagmamaneho ng mga sasakyan, kasama na ang mga jeepney. Dagdag pa sa peligro ng mga nagbibisikleta ang mga walang ilaw na daanan, mga umaaligid na magnanakaw, mga lubak o binubungkal na daan at mga reckless na driver. Sa madaling salita, takaw-disgrasya ang pagbibisikleta.
Sa mga susubok ng National Bike-To-Work Day, doble ingat na lamang siguro sa mga magbibisikleta kung hindi naman masisiguro ng mga kinauukulang ang kanilang kaligtasan at kaginhawaan.
Ang pagsusulong ng pamahalaan sa pagbibisikleta ay hindi simpleng may bisikleta na gagamitin at kasanayang pumadyak. Mahalaga rito ang mga kasuotan, helmet at iba pang mga gamit.
Mahalaga rin na ligtas ang mga daraanan ng mga siklista, pati na sa mga mararahas na motorista. Hindi dapat nangyayari na tinututukan ng baril ang mga siklista dahil lang sa gitgitan o anumang alitan sa trapiko. Hindi rin sila dapat masasagasaan o mabubundol ng mga walang prenong truck.
Kung masisiguro ang kaligtasan sa pagbibisikleta, walang sagabal para sa mas marami na tangkilikin ang ganitong sasakyan.