Nanawagan si House Speaker Martin Romualdez nang pagkakaroon ng mas malapit na pagtutulungan at matibay na alyansa ng mga bansa sa Asya-Pasipiko upang epektibong matugunan ang mga hamong kinakaharap ng rehiyon.
Ayon kay Romualdez, mahalaga ang mga resolusyon na binuo, pinag-usapan, at napagkasunduan sa isinagawang forum.
Bagama’t ang mga miyembro ng APPF ay mayroong magkakaibang pananaw dahil nanggaling ang mga ito sa iba’t ibang bansa, sinabi ni Romualdez na ang katotohanan ay mas matimbang dito ang mga bagay na maaaring pagkasunduan at sama-samang itataguyod.
Sinabi ng lider ng Kamara na isang karangalan para sa Pilipinas ang pag-host sa ika-31 Forum.
Ayon pa kay Romualdez ang pag-host ng Pilipinas ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga delegado nito upang isulong ang pagnanais ng bansa na maging miyembro ng United Nations Council, ang pag-amyenda sa APPF rules upang maisama sa taunang pagtitipon ang mga young parliamentarian, at ang pagkakaroon ng headquarters ng APPF secretariat sa Pilipinas.
Nagpasalamat rin si Romualdez sa mga lumahok dahil kanilang ikinonsidera ang mga inisyatiba ng Pilipinas.
Sinabi nito na hindi magiging matagumpay ang Forum kung hindi dapat sa aktibong partisipasyon ng mga kalahok.
Mayroong 267 kalahok kasama ang 158 miyembro ng parliyamento ng 19 na bansa na dumalo sa Forum. Mayroong 37 resolusyon na pinagsama-sama at naging 10 resolusyon na pinagtibay sa pagpupulong.