May isa palang Pilipino ang bihag ng mga teroristang Hamas sa Gaza. Mabuti at napabilang ang caregiver na si Gelienor “Jimmy” Pacheco, 37 anyos, sa unang pinalayang mga bihag sa Gaza nitong Biyernes.
Mukhang natauhan ang mga nambihag kay Pacheco sa pagdamay ng isang Pilipino sa kanilang paglaban sa Israel kaya pinalaya siya. Mga Hudyo at Zionist ang kalaban ng Hamas at hindi Pilipino.
Si Pacheco ay katibayan ng lumalaganap na banta sa seguridad ng mga migranteng kababayan natin sa Gitnang Silangan.
Ngunit hindi lang banta mula sa Hamas ang kinakaharap ng mga bagong bayaning OFW. Naririyan rin ang mga rebeldeng Huthi sa Yemen na nagpapalipad ng missile sa Israel kung saan may 30,000 OFW ang nagtatrabaho.
Itong mga Huthi rin ang nambihag sa 17 tripulanteng Pilipino nang salakayin at sapilitang dinala nila ang car carrier na Galaxy Leader sa isang puerto sa Yemen. Ang hijacking ay bilang katuparan sa pangako ng mga Huthi na humuli ng mga barkong pag-aari ng mga Israeli upang tumulong sa Hamas sa Gaza sa pakikidigma sa Israel.
Katulad ng Hamas, dinamay ng mga Huthi ang mga Pilipino na walang kinalaman sa sigalot nila ng Israel.
Dahil sa pangyayari, balak ng Estados Unidos na ibalik ang pagtukoy sa mga Huthi bilang terorista. Dapat suportahan ito ng Pilipinas dahil sa pambibiktima nila ng mga Pilipino.
Pinakamatinding banta sa mga marinong Pilipino ang militar ng Iran.
Ginagaya ng Islamic Revolutionary Guard Corp, ang tawag sa sandatahang lakas ng Iran, ang ginagawa ng Huthi. Tinatarget ng IRGC ang mga barkong pag-aari ng Israeli at tinitira ng rocket.
Isang barko ang napinsala dahil sa atake ng hinihinalang drone ng IRGC sa Indian Ocean, ayon sa ulat ng militar ng Estados Unidos kahapon.
Bagaman walang nasaktan na tripulante sa container ship sa atake nitong Biyernes, nalalagay sa panganib ang mga marinong Pilipino sakaling tirahin ng IRGC ang barkong pinatatakbo nila.
Ang tanong, magpoprotesta ba ang Pilipinas sa embahada ng Iran sa bansa sa ginagawa ng IRGC laban sa mga barkong mpag-aari ng mga Israeli?
Kung mananahimik lamang ang pamahalaan, magkakaroon ba ng proteksyon ang mga marinong Pilipino sa mga atake ng IRGC at Huthi? Magkakaroon ba ng kaligtasan ang mga nananahimik na Pilipino at payapang kalooban ang kanilang mga pamilya?
Paano maalis ang banta sa buhay ng mga marinong Pilipino na wala namang masamang tinapay laban sa mga kaaway ng Israel?