Sinentensyahan ng pitong taong pagkakakulong ang isang babae sa Russia matapos niyang palitan ang mga price tag sa isang supermarket ng mga slogan na bumabatikos sa pakikidigma sa Ukraine.
Batay sa ulat ng Agence France-Presse, si Aleksandra Skochilenko, edad 33, ang pinakabagong dagdag sa mga nakulong na Russian dahil sa pagsasalita laban sa hukbo ng kanilang bansa.
Marso noong nakaraang taon nang gawin ng Russian artist ang kanyang “supermarket protest.”
Ilan sa kanyang mga slogan na ipinalit sa mga price tag ay may nakasaad na “Young Russian soldiers were dying for ten years during the Afghan war. Stop the war in Ukraine!” at “Nazis killed 8-10 million Ukrainians during WWII. How many will be killed by Russians?”
Inamin ni Skochilenko ang pagpalit niya sa mga price tag, ngunit itinanggi niyang huwad ang mga pahayag dito.
Kaugnay nito, sinabi ng ina ng artista na isang “catastrophe” ang mahabang pagkakakulong ng kanyang anak dahil may problema siya sa kalusugan, kabilang na ang sakit sa puso at coeliac disease.
Matatandaang Pebrero ng nakaraang taon nang ilunsad ni Pangulong Vladimir Putin ng Russia ang “special military operation” at sakupin ang silangang Ukraine.