Inihayag ng Philippine Embassy sa Egypt na wala nang Pilipinong inaasahang tatawid sa border ng Gaza-Egypt sa gitna nang pagpapatuloy ng kaguluhan sa pagitan ng Israel at teroristang grupong Hamas.
Ayon sa embahada, ang natitirang mga Pilipino sa Gaza Strip ay nananatili ngayon sa mga ligtas na lugar, at malayo sa sentro ng marahas na digmaan at dagdag nito, ang natitirang mga Pinoy sa Gaza ay piniling manatili sa piling ng kanilang mga asawang Palestinian.
Matatandaan na noong Nobyembre 2, dalawang Pilipinong doktor na kabilang sa Doctors Without Borders ang unang ligtas na nakatawid mula sa Gaza patungong Egypt.
Ang Rafah Crossing patungo sa Sinai peninsula ng Egypt ay ang tanging exit point mula sa Gaza na hindi kontrolado ng Israel.
Una na rito, ang mga truck na nagdadala ng humanitarian aid ay dumadaan rin sa naturang border upang pagpaabot ng tulong sa mga residenteng apekto ng patuloy na digmaan sa Israel.