Dalawang babae ang nabiktima ng isang scammer na nang-hack umano sa Facebook account ng Vice Mayor ng Ilocos Sur.
Kinilala ang mga biktima na sina Tanya Orpilla Quiba at Jamelyn Hazel Galdones Gacutan na dumulog sa mga otoridad noong Miyerkoles matapos mabiktima nang hindi pa natutukoy na suspek na siyang nang hack sa FB account ni Maria Divina Gracia Elaydo-Etalin, Municipal Vice Mayor ng San Esteban, Ilocos Sur.
Kuwento nila, noong November 14 ay nakita nila ang isang FB post ni Elaydo-Etalin na nagbebenta umano siya ng iPhone 13 Promax sa halagang P20,000.
Nang mag-message sila sa FB account ng opisyal, sumang-ayon ang mga biktma na bilhin ang naturang phone sa nasabing halaga at kaagad na nagbigay ng bank details sa na-hack na account ni Elaydo-Etalin.
Ayon sa ulat, ibinigay ni Orpilla ang kanyang bayad na P20,000 at si Galdones naman ay nagbigay ng inisyal na P10,000. Pero huli nang nalaman ng dalawa na na-hack ang FB account ni Vice Mayor Elaydo-Etalin at ang kanilang katransaksyon ay ang hacker.