Nagbabala ang Department of Labor and Employment nitong Lunes kaugnay sa mga naibebenta umanong mga Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage Workers uniforms.
Ayon sa ahensya, na-monitor na umano nito ang paglabas ng mga uniform na isinusuot lamang ng mga benepisyaryo ng naturang programa at dagdag nito, lumalabas na may mga nagbebenta ng mga naturang uniporme, lalo na sa online platform, kung saan maaaring bilhin ito ng mga hindi benepisyaryo.
Katwiran ng DoLE, ang mga uniporme ng TUPAD ay libre at ipinamimigay lamang sa mga benepisyaryo ng programa upang gamitin bilang Personal Protective Equipment sa kanilang trabaho.
Babala ng ahensiya, hindi otorisado ang pagbebenta nito, at walang kumpanya ang binigyang ng otorisasyon upang ibenta sa mga benepisyaryo o hindi benepisyaryo.
Pinapayuhan din nito ang publiko na ireport ang mga nakikitang nagsusuot ng mga naturang uniporme kahit na hindi sila otorisadong magsuot, para makapanloko o anumang masamang binabalak.