Nadiskubre ang katawan ng dalawang high school students sa loob ng eskwelahan sa Taguig noong Biyernes at ang hinala ng mga otoridad na kinitil nila ang kanilang sariling buhay.
Ang mga biktima ay Grade 8 at Grade 10 students sa Signal Village National High School ayon sa ulat ng Southern Police District.
Batay naman sa saksi, sinabi nitong huli niyang nakitang buhay ang dalawang estudyante alas-7:45 ng gabi noong Nobyembre 10.
Kalaunan ay napag-alaman sa kanilang group chat na hindi umuwi ang dalawa nang gabing iyon. Ayon pa sa mga pulis, agad umanong hinanap ng saksi ang dalawa at nakita na lamang niya ang mga ito na walang buhay sa loob ng isang opisina sa kanilang eskwelahan, alas onse ng gabi.
Samantala, nanawagan naman ang pinsan ng isa sa mga biktima sa mga guro at kaklase na lumapit at aminin ang kung anuman na kanilang nalalaman sa pagkamatay ng dalawang estudyante. Giit pa nito sa isang online post, tikom pa rin ang naturang eskwelahan hinggil sa insidente at wala umanong CCTV sa loob ng eskwelahan.
Base sa inisyal na ebidensyang nalakap ng Philippine National Police-Taguig, wala umanong nangyaring foul play sa insidente. Pinakiusapan rin nila ang publiko na iwasan ang paggawa ng haka-haka hinggil sa nangyari sa dalawang menor de edad.
Ang Department of Education naman ay nagpahayag ng pakikiramay sa mga naulilang pamilya. Kasabay nito ang pagtiyak ng kagawaran na makikipagtulungan sila sa PNP Taguig para sa mabilis na pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa usaping ito.