Marami ang may pananagutan sa maraming nabiktima ng mga tauhan ng Socorro Bayanihan Services Incorporated, isa umanong kultong nagtayo ng pamayanan sa tuktok ng burol sa Sitio Kapihan, Barangay Sering, Socorro, Surigao del Sur.
Kung hindi dahil sa basbas ng Department of Environment and Natural Resources sa SBSI na maging tagapangalaga at tagapagpaunlad ng 353 ektaryang lupain sa sitio ay wala sanang lugar na nagsilbing kuta ng grupo para gawin ang pang-aabusong sekswal umano sa mga anak ng miyembro nito. Ayon sa mga ulat, ikinasal ang mga batang anak ng miyembro sa ibang kasapi.
Karamihan sa mga biktimang pamilya ay nakalista bilang benepisyaryo ng programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program or 4Ps ng Department of Social Welfare and Development. Bagaman may mga social workers ang nagpupunta sa Kapihan, ang tawag sa pamayanan ng SBSI, upang magbigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga nanay at anak doon, maraming sanggol pa rin ang namatay dahil hindi sila nabigyan ng agarang lunas.
Hindi dapat umabot sa naiulat na 200 sanggol ang namatay roon dahil sa isinilang silang kulang sa nutrisyon ang nanay, kung hindi nagpabaya ang mga magulang at taga-DSWD. Mukhang hindi kapani-paniwala na hindi nila batid na nasa peligro ang mga sanggol at buntis roon. Kung batid man nila ay hindi naman nila nagawang magsumbong sa mga kinauukulan kung takot silang madamay.
May pananagutan ang lokal na pamahalaan at kapulisan dahil sa kapabayaan nila kung kaya nangyari ang mga krimen sa Kapihan. Maaari ring kasabwat ang ilan sa kanila.
May pananagutan ang Securities and Exchange Commission na nagrehistro ng mga grupong tulad ng SBSI kaya nagmistulang lehitimo ang organisasyon at nagkaroon ng tila lisensya upang maghasik ng lagim.
May pananagutan rin ang mga magulang ng mga namatay na sanggol at inabusong kabataan dahil huli na nang magsumbong sila sa mga kinauukulan at nagpaloko sila sa SBSI nang hindi inaalam ang kanilang sinasapian.
At siyempre, pinakaresponsable ang mga lider ng SBSI kaya tama lamang at karapat-dapat na arestuhin at kasuhan sila. Labingtatlo ang inaresto at sinampahan ng kaso ngunit marahil mas marami rito ang may kinalaman sa pagkamatay ng maraming sanggol at pang-aabuso sa mga anak ng miyembro ng SBSI. Kailangang mahuli ang dapat mahuli at mapapanagot ang lahat nang dapat managot sa batas.
Patay na ang mga sanggol na umano’y nabiktima ng kulto ngunit hindi ibig sabihin na hindi na nila kailangan ng katarungan.
Marahil ay hindi lang nag-iisa ang kasong katulad ng nangyari sa Kapihan kaya dapat umaksyon ang DENR, DSWD, SEC, lokal na pamahalaan at kapulisan sa mga naglipanang kulto sa buong bansa na nagtatago ng kanilang kababalaghan sa kabundukan at liblib na lugar.
Kailangang kumilos sila nang mabilis upang mailigtas sa kapahamakan o kamatayan ang mga inaabusong kasapi ng mga kulto na walang malapitan ng tulong.