Malaki ang paniniwala ni House Speaker Martin Romualdez na magiging malaking tulong sa pagpapalakas ng agriculture at fishery sector ng bansa ang karanasan sa pribadong sektor ng bagong-talagang Department of Agriculture Secretary na si Francisco Laurel Jr.
Ayon kay Romualdez, maraming maiaambag ang innovation, efficiency, stratehiya at pagiging competitive na dala ng pribadong sektor sa sandaling mapagsanib-puwersa sa gobyerno.
Dagdag niya, naipamalas na ni Laurel ang potensyal ng private enterprises sa pagsusulong ng food security, paglago ng ekonomiya at pag-usbong ng teknolohiya sa agrikultura.
Sabi pa ng House Speaker, malaking tulong din ang first hand experience ni Laurel sa management ng large-scale operation lalo na sa usapin ng supply chain, market demand at global trends.
Ipinunto rin niya na nauunawaan ni Laurel ang pagbalanse sa kikitain at kapakanan ng publiko kaya aasahan ang mga polisiya na magkakaloob ng patas na kompensasyon sa mga magsasaka at mangingisda, access sa modernong teknolohiya at oportunidad sa kaunlaran.
Umaasa naman si Romualdez na masusundan ng bagong kalihim ang nasimulan at ang umano’y solidong pundasyon na iiwanan ni Pangulong Bongbong Marcos sa Department of Agriculture.