Aminado ang beauty queen at aktres na si Herlene Budol na manhid na siya sa mga isyung may kaugnayan sa pagiging broken family umano ng dalaga at ayon sa kanya ay minabuti na niyang pagtuunan ng pansin ang mga positibo at kapaki-pakinabang na bagay sa kanyang buhay.
Ayon kay Herlene, tanggap na niya na hindi siya nabuo nang dahil sa pagmamahalan ng kanyang mga magulang kundi sa pamamagitan ng “alak” at kalasingan.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Herlene ang tungkol sa pagiging produkto ng broken family matapos magdesisyon ang kanyang parents na magkanya-kanya na ng landas.
“Feeling ko naman talagang hindi sila para sa isa’t isa. Kasi na-‘gin bilog’ lang daw ‘yung Mama ko dati, kumbaga nabuo lang ako dahil sa alak,” saad ni Herlene. “Tinray naman nilang magsama kaso hindi na talaga magkasundo.”
“Hindi ako nabuo sa ‘make love,’ pero naging love naman talaga ‘yung bunga, ito (sabay turn sa sarili). Manhid na manhid na ho ako para sa broken family naming issues,” dagdag niya.
Ayon pa sa dalaga, mas naging okay pa nga raw ang pagsasama nilang pamilya noong maging magkaibigan na lang ang kanyang nanay at tatay.
“Kapag naging magdyowa ‘yan, naku, nililipad na naman ng mga kaldero,” saad ng lead star ng Kapuso afternoon series na “Magandang Dilag.”
Samantala, nang tumungtong siya sa edad na 15, siya na rin ang nagpaaral sa sarili – mula high school hanggang college. Super proud si Herlene na nakamit din niya ang pinakaaasam na college diploma.
“Maraming salamat din po talaga roon sa mga teacher ko na umunawa sa akin na kapag pumapasok ako, lasing ako,” ang sabi pa ni Herlene.
Kasunod nito, naikuwento nga niya ang pagtatrabaho noon sa bar bilang waitress para maipagpatuloy niya ang pag-aaral. Pag-amin ng dalaga, totoong may mga araw na pumapasok siya na may hangover hanggang sa makatulog na sa klase.
Pero agad niyang nilinaw na hanggang pagwe-waitress lang ang ginagawa niya sa bar at walang “extra service.”