Iniulat ng mga otoridad sa nakapagtala sila ng mga insidente ng pamamaril sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa kasagsagan ng 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections kung saan tatlo ang naiulat na nasawi at walong iba pa ag sugatan.
Sa isang pahayag, sinabi ni BARMM Police chief Police Brigadier General Allan Cruz Nobleza na apat na insidente ng pamamaril, isang insidente ng pangugulpi at may isang insidente ng kaguluhan ang nangyari sa araw ng botohan.
Sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, dalawa ang nasawi at tatlo ang nasugatan at apat na suspek ang natukoy at pinaghahanap.
Sa Maguindanao del Sur naman, sinabi ni Nobleza na isang insidente rin ng pamamaril ang naganap na ikinasawi ng isa tao na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.
Samantala, isang reelectionist barangay chairwoman sa Butig, Lanao del Sur ang binaril umano ng kaniyang kalaban sa halalan na kaniya mismong bayaw.
Sa Tuburan, Basilan naman, anim ang sugatan, kabilang ang isang kandidato ng barangay chairman sa nangyaring kaguluhan. Natukoy na ang mga suspek.
At sa Cotabato City, nasa 12 guro ang umatras sa pagiging miyembro ng electoral board dahil sa takot sa nangyaring pamamaril sa lugar na ikinasawi ng tatlo katao kabilang ang dalawang kandidato.
Sa kabila ng mga nangyaring kaguluhan at aberya, itinuturing naman ng Commission on Elections na generally peaceful at tagumpay ang BSKE 2023.
Sa ibang balita, pumalo sa sa 292 na mga kandidato sa BSKE sa lalawigan ng Abra ang umatras, ayon sa Philippine National Police.
Sinabi ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. na bumisita sila ni Comelec chairperson George Garcia sa lalawigan nitong Linggo para personal na alamin ang sitwasyon doon.
“We were personally briefed together with the Comelec chairman doon. And we itemized iyong mga nag-withdraw na candidates. Actually a total of 292 iyong nag-withdraw doon,” sabi ni Acorda.
Inilatag umano ng PNP ang mga kailangan na hakbang para mabilis na makatutugon ang mga awtoridad kung sakaling magkakaroon ng security-related concerns.
Una rito, sinabi ni Acorda na ilan sa mga kandidato ang umatras sa pagtakbo dahil sa umano’y natanggap na pagbabanta.
Bukod sa mga kandidato, mayroon ding mga guro ang umatras para magsibling electoral board members sa Abra.
Ayon kay Acorda, itinalaga ang 39 police personnel bilang mga pamalit na poll workers.