Isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa Lamitan City, Basilan ang nagwala na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang katao habang isa ang naitalang sugatan.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Barangay chairman Jemson Cervantes at Kagawad Nadjuwal Antataha habang nagtamo ng sugat sa dibdib si Cervantes habang agad namang namatay si Antataha.
Ayon kay Cervantes, magkausap sila ng suspek na si Emilianio Enriquez sa bahay ni Antataha na nasa labas lamang ng presinto.
Sinabihan niya umano ito na dahil malapit nang matapos ang botohan ay maaari na itong umuwi.
Tumayo umano si Enriquez at biglang nagpaulan ng bala. Nahulog sa kaniyang kinauupuan si Cervantes matapos madaplisan ng bala habang napuruhan naman si Antataha.
Nakaganti ng putok si Cervantes at binaril si Enriquez na naglalakad palabas ng daan habang patuloy pa rin sa pagpapaputok. Tinamaan ito sa kanyang mukha at binti na dahilan ng kanyang pagkamatay.
Ayon kay Cervantes, dalawang araw pa lamang nakadestino si Enriquez sa barangay.
Narekober ng pulisya ang M-16 rifle ni Enriquez at mga bala.