Nauuso sa France ang alternatibong paglilibing na tinaguriang “sanctuary forest” na nagsimula sa Germany.
Sa nasabing paglilibing, sa halip na libingan ay sa paanan ng puno ibabaon ang salinan ng abo ng namatay.
Sa Muttersholtz malapit sa border ng Germany, may lapida malapit sa puno ng oak, palatandaan na may nakabaon ditong salinan ng abo.
Tatlo pang iba-ibang lapida ay tanda ng pagkakabaon roon ng iba pang salinan ng abo.
Isang sementeryong gubat ang lugar na nagbukas nitong Marso.
Ayon sa bisitang si Gabrielle Grasser, 85 anyos, mas gusto niyang mailibing roon sa halip na sa nitso sa ordinaryong sementeryo dahil pakiramdam niya ay mas malalapit siya sa kalikasan na mahal niya.
May mga nagpareserba na ng puwesto, sabi ng deputy mayor ng Muttersholtz na si Luc Dettwyler. Halos puno na ang paligid ng oak tree, aniya.
Mayroon ding puno ng hazelnut at acacia sa forest sanctuary kung saan ililibing ang 500 urn.
Ang upa sa sanctuary ay 30 taon at nagkakahalaga ng 600 hanggang 1,000 euro, depende sa laki ng puno.
Ang unang forest sanctuary sa France ay itinatag sa Arbes sa rehiyong Haute-Garonne noong 2019 ngunit sinuspinde ito.
Ginaya naman ito sa Schiltigheim sa labas ng Strasbourg suburb. May 1,760 urn ang kasya rito.
Samantala, plano naman ng siyudad ng Nancy na magbukas ng forest sanctuary sa ilang sementeryo. May lawak itong 6,000 metro kuwadrado.
Ang mga abo ng residente ng siyudad ay ililibing roon ng libre, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.