Sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo para sa mga sasakyan, hindi na abot-kaya ng bulsa ang diesel at gasolina. Ang naisip na solusyon ng pamahalaan dito ay taasan ang halong ethanol sa gasolina. Mula 10 porsyento ay magiging 20 porsyento ang halong ethanol upang mapamura ang halaga nito.
Ang diskarteng ito ng gobyerno ay parang katulad ng ginagawa ng mga negosyanteng Intsik noong panahon ng Kastila. Hinahaluan nila ng tubig ang binebentang suka upang madagdagan ang kita at mabigyan ang mga mamimili ng murang suka at makatipid.
Ngunit hindi pala ganap na tama ang ganitong solusyon, na ipauso ang paggamit ng E-20 o gasolinang may 20 porsyentong ethanol upang mapababa ang presyo ng krudo.
Ayon sa mga gumagawa ng sasakyan, maaaring hindi bagay ang E-20 sa mga lumang modelong sasakyan dahil hindi mainam para sa mga makina nito ang mataas na moisture content ng gasolina.
Kung mataas ang moisture content o tubig sa gasolina, maaaring masira ang ibang bahagi nito dahil kakalawangin ito. Sa madaling salita, may mga makina na hindi sadyang compatible sa E-20 na gasolina.
Ang gasolinang E-20 ay maaaring makasira rin sa makina ng motorsiklo na lumang modelo.
Kakailanganing masuri muna ang epekto ng E-20 sa mga sasakyan upang malaman kung mas makabubuti ito o hindi sa mga gumagamit ng sasakyan.
Kung tama ang obserbasyon ng mga eksperto sa epekto ng E-20 sa makina, magdudulot ito ng dagdag na problema imbes na makabawas ng suliranin. Mantakin na lamang kung biglang pumalya sa daan ang maraming sasakyan na kinargahan ng E-20. Magiging malaking perwisyo ito hindi lamang sa mga gumamit ng E-20 kundi sa ibang motorist ana maaabala ng tumirik na sasakyan sa daan.
Lalo na siguro kung ang maaapektuhan ay mga sasakyang pampubliko tulad ng mga jeepney na karamihan ay luma na ang makina.
Ang mga tradisyunal jeepney ang karaniwang sinasakyan ng publiko dahil sa murang pamasahe dito. Paano na kung masira ang maraming jeepney at walang masakyan ang maraming tao?
Hindi rin alam kung ano naman ang epekto ng E-20 sa mga bagong modelo ng sasakyan. Kung makakasira rin ito sa mga bagong makina, mas maraming tao ang apektado.
Sa halip na makatipid ang tao sa murang presyo ng gasolina, maaaring lumaki pa ang gastos nila kung kakailanganing ipaayos nila ang makinang nasira dahil sa E-20.