Daan-daang gusali sa Gaza Strip ang sumabog at nasira matapos tamaan ng mga missile ng Israel army mula gabi ng Biyernes hanggang kahapon ng umaga, ayon sa civil defense service ng teritoryong Palestino.
Libu-libong iba pang mga bahay ang nagkaroon ng sira, sabi ni Mahmud Bassal, tagapagsalita ng Gaza Civil Defense.
Ayon sa mga saksi, tinamaan ang paligid ng dalawang ospital, ang Al-Shifa at Indonesian hospital sa distrito ng Jabaliya sa hilagang Gaza.
Nag-iwan na malalaking butas sa kalye at pumatag ang lugar dahil sa pambobomba ng Israel.
Bago ang pambobomba,inakusahan ng Israel Army ang mga kasapi ng Hamas na gumagamit ng ospital at tao bilang pananggalang.
Umiiral ang digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas matapos sorpresang atakihin ng mga militanteng Palestino ang mga kibbutz o pamayanang Hudyo sa katimugang Israel noong Oktubre 7.
Pinagpapatay ng mga Hamas ang 1,400 sibilyan at sundalong Israeli, ayon sa mga opisyal ng Israel.
Dinukot rin ng mga Hamas ang 229 tao at dinala sa Gaza Strip bilang kanilang hostage.
Naghiganti ang Israel sa atake ng Hamas at walang patid na binomba ang mga kuta ng Hamas sa Gaza Strip.
Ayon sa GCD, mahigit 7,300 na ang namamatay na sibilyan sa Gaza Strip, kabilang ang 3,000 bata, ayon sa health ministry ng Gaza.