Iniulat ng mga otoridad na isang babae ang tumangay umano ng isang tatlong-buwang-gulang na sanggol sa isang ospital sa Davao City at base sa mga ulat, nawalan din umano ng sanggol ang nasabing suspek.
Inilahad ng mag-asawa na mula sa Surigao City, na nagtungo sila sa Davao City noong nakaraang linggo para ipasuri sa ospital ang kanilang anak na si Baby Jay at habang nasa ospital ay nakilala nila ang suspek.
Habang naghahanda ang mag-asawa sa mga ipapagawang test para kay Baby Jay, humingi umano ng breast milk suspek matapos na makita ang pump nito sa pagkuha ng gatas sa kaniyang dibdib.
Pumayag naman ang babae at tumalikod para mag-pump ngunit nang lingunin niya si Baby Jay, wala na ito pati ang suspek.
Nang i-post ng mga pulis sa kanilang Facebook page ang larawan ng suspek, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng babae at ng sanggol at nang pinuntahan ay nakuhang muli ang sanggol.
Ayon sa suspek, matapos siyang makapanganak, may isang matandang babae umano ang nagmagandang loob na patulugin silang mag-ina. Ngunit nang magising siya, wala na ang matanda at ang kaniyang dalawang buwang gulang na sanggol.
Kinuha umano niya si Baby Jay para may sanggol na maiuuwi at maipapakita sa kaniyang mister.