Nagsimula nang mag-inspeksyon ang lokal na pamahalaan ng San Juan sa mga sementeryo at mga kolumbaryo ilang araw bago ang paggunita ng Undas sa bansa.
Sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora na nag-iinspeksyon na sila upang matiyak na handa na ang mga ito sa pagdagsa ng mga tao na dadalaw sa mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Dagdag niya, ipapakalat sa naturang lungsod ang mga miyembro ng san juan police sa iba’t ibang sementeryo at kolumbaryo upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan.
Ipinagbabawal rin ang pagdadala ng mga speaker at iba pang bagay na lumilikha ng ingay, mga baril at matutulis na bagay tulad ng mga kutsilyo at ice pick, ilegal na droga, at mga inuming nakalalasing.
Ang pagsusugal at pagdadala ng mga bisikleta at motorsiklo sa loob ay hindi pinapayagan.
Ang pagbebenta ng pagkain at pampalamig, bulaklak, at kandila ay papayagan lamang para sa mga binigyan ng special business permit at sa may tarangkahan lamang ng city cemetery.
Nagpaalala din ang alkalde na sumunod sa patakaran upang maging maayos ang pagunita ng Undas.