Hanggang ngayon ay wala pang balita kaugnay sa nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon pero nangako na ang Philippine National Police-Calabarzon na iuuwi nilang ligtas ang dalaga.
Base sa mga ulat, patuloy pa rin ang isinasagang operasyon ng Batangas Police Provincial Office para matunton ang lugar na kinaroroonan ni Catherine at ang mga taong posibleng may kinalaman sa kanyang pagkawala.
Siniguro naman ni Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas, Calabarzon police chief, na buhay pa si Catherine matapos ihayag ng kanyang pamilya na hindi ito umuwi sa kanilang bahay noong October 12 at hindi na rin nila ito makontak.
Opisyal namang dineklarang “missing person” ng Batangas Police Provincial Office si Catherine nitong nagdaang October 19.
Sinabi rin ni Lucas na inatasan na niya ang kanyang mga tauhan na mas paigtingin pa ang operasyon sa paghahanap kay Catherine, na naging kandidata sa Miss Grand Philippines 2023, kung saan nakalaban niya ang aktres na si Herlene Budol.
“Ongoing pa yung investigation natin kung ano ba talaga yung nangyari dito kay Ms. Catherine, ‘no,” saad ni Lucas sa isang panayam.
“We are committing na si Catherine, we’ll bring home Catherine safe,” ang pangako pa niya sa pamilya ni Catherine.
“Unang-una, meron nang initial report, ‘no, which I cannot divulge, kung ano po yung natanggap namin na report sa investigation. We are very confident na itong si Miss Catherine, e, buhay pa,” sabi pa ni Lucas.
“Meron na silang lead kung saan yung huling napuntahan at nakita itong si Catherine aside don sa mall diyan sa Batangas. At itong CCTV napakalaking bagay, tulong sa imbestigasyon na ginagawa natin,” dagdag niya.