Bumida na naman ang aktres na si Kathryn Bernardo nang gawaran siya ng karangalan bilang Outstanding Asian Star sa 2023 Seoul International Drama Awards (SDA).
Ibinahagi ng ABS-CBN ang magandang balita sa kanilang social media accounts.
“This Asian Superstar is conquering the world! Mga beshy, kinilala si Kathryn Bernardo bilang Outstanding Asian Star sa Seoul International Drama Awards 2023! Congratulations, Kapamilya!” anang ABS-CBN Entertainment sa kanilang Twitter post.
Ang SDA ay kilala bilang natatanging International Drama Festival sa South Korea na binibigyang pansin maging ang mga palabas sa iba’t ibang panig ng mundo.
Gaganapin sa Setyembre 21 ang 18th edition of Seoul Drama International Awards, kung saan may live broadcast na pwedeng mapanood sa KBS2TV channel.
Talaga namang maraming nakahanda si Bernardo ngayong taon para sa mga manonood tulad ng “A Very Good Girl” kasama ang batikang aktres na si Dolly de Leon, sa direksyon ni Petersen Vargas; “Elena 1944” ni Olivia Lamasan; at isang kaabang-abang na movie kasama ang long-time boyfriend Daniel Padilla, sa direksyon ni Cathy Garcia-Molina. (PAMELA PASCUAL)