Hanggang ngayon ay hindi pa rin talaga nawala ang mga mapagsamantalang tao at marami pa rin sa kanila ang nakakapambiktima pa ng mga pobreng nilalang na nais lamang umunlad at guminhawa ang buhay.
Dahil nga sa kahirapan ng buhay, marami sa ating mga kababayan ang madalas na ma-engganyo na sumubok sa mga gawain na mabilis lamang ang pera pero sa huli, sila pa ang mabibiktima at lahat ng kanilang pinaghirapan ay maglalahong parang bula.
Maraming mga scam at scammers ang naglilipana ngayon lalo na sa social media, at kamakailan nga ay naglabas ng babala ang pamunuan ng Department of Energy-Oil Management Bureau laban sa ilang indibidwal na umano’y nagpapanggap bilang empleyado ng DoE.
Ayon sa ahensiya, isang nagnagngalang Railey ang naglilibot sa iba’t ibang bahagi ng bansa at nagpapakilalang empleyado ng DoE at nag-aalok na magproseso at palawigin ang bisa ng LPG License to Operate mula sa lima hanggang pitong taon.
Dadgag pa ng DoE, may ilan pang indibidwal na gumagamit na nag-aalok ng private delivery o paghahatid ng LTO sa halagang P600.
Paliwanag ng ahensiya, hindi nito ginagawa ang ganitong sistema at lalong lalo na ang paghingi ng pera mula sa mga kliyente nito.
Hindi rin umano ginagamit ng DOE ang mga Bayad Center o e-wallets kapag pumapasok ito sa mga ligal na transaksyon sa mga kliyente.
Dahil dito, pinayuhan ng ahensiya ang mga nagmamay-ari ng mga bentahan ng LPG, retailers, at mga industry stakeholders na maging mapanuri at huwag pumasok sa mga transaksyon kasama ang mga nagpapanggap na indibidwal.
Tiniyak din ng ahensiya na sumusunod ito sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees o Republic Act 6713, na nagbabawal sa mga opisyal at empleyado mula sa paghingi ng pera kaninuman.
Ang mga ganitong klaseng gawain ang kailangang masawata sa lalong madaling panahon, dahil hindi biro ang nawawala sa ating mga kababayan na naloloko ng mga ganitong klaseng gawain at mga scammers.