Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine Coast Guard na masusing imbestigahan ang nangyaring insidente na naman sa West Philippine Sea kung saan hinarang muli at binangga ng Chinese Coast Guard ang mga barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng routinary resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Ayon sa Pangulo, gusto niyang malaman ang mga naging dahilan at tunay na nangyari sa likod ng insidente.
Ang ikakasang imbestigasyon ng PCG ay batay sa mandato ng International maritime laws.
Nitong Lunes ay nagpatawag ang Pangulo ng isang command conference sa lahat ng mga security authorities upang talakayin at pag usapan ang panibagong paglabag ng China sa West Philippines Sea.
Ang ginawa kasi ng China ay napakadelikado, iligal at walang ingat na pag maneuver ng mga barko ng China at nagsanhi ng damage.
Ang insidente ay nangyari sa loob mismo ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Siniguro naman ng pamahalaan na hindi nila ito isawalang kibo ang insidente.
Samantala, limang araw na panahon ang ibinigay sa PCG para tapusin ang maritime investigation at ayon kay PCG commandant Admiral Ronnie Gavan, inatasan na nila ang PCG Palawan district sa pangunguna ni Commodre Dennis Labay na agad gawin ang imbestigasyon epektibo nitong Lunes.
Sa sandaling matapos ang imbestigasyon, sinabi ni Gavan na isusumite nila ito sa Dept of Transportation na siya namang magsusumite nito kay Pangulong Marcos para sa karampatang aksyon o disposisyon.
Target ng PCG na tapusin at maisumite ang resulta ng imbestigasyon sa Biyernes, October 27,2023.
Sa kabila ng insidente, sinabi ni Gavan na nananatiling mataas pa rin ang morale ng kanilang mga tauhan sa kabila ng pambu-bully ng China.
Kinumpirma naman ni Department of Defense Secretary Gilberto Teodoro na naghain na ng diplomatic protest ang gobyerno hinggil sa panibagong paglabag ng China Coast Guard sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Teodoro, ang ginawa ng China Coast Guard ay isang lantaran na paglabag sa International law at giit niya, walang ligal na karapatan ang China na magsagawa ng law enforcement operations sa loob mismo ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Binigyang-diin ng kalihim na seryosong tinitignan ito ng pamahalaan sa pinaka mataas na antas sa gobyerno.