Hindi lang ang usapin ng South China Sea ang dapat bantayan kaugnay sa pagpapakitang gilas ng Beijing, kundi maging ang BRICS.
Ang BRICS ay isang grupo ng mga pandaigdigang ekonomiya ng Brazil, Russia, India, China, at South Africa na itinuturing na isang geopolitical na karibal sa G7 bloc ng mga nangungunang advanced na ekonomiya.
Para kay Villarin, ang resolusyon sa sigalot na nilikha ng China ay hindi idadaan sa usaping legal, bagkus ay sa isyu ng ekonomiya.
“Dapat din binabantayan din po dito yong bagong movement from the BRICS. This is an international alliance lalo na nakikita natin na may mga bagong miyembro dito alliance, ally ng bansang China ngayon when it comes to international trades such as Saudi Arabia, medyo babantayan din po natin yan kasi nakikita ho natin na the resolution of this conflict is not in the legal arena, but it is more on the economic or trade block,” sabi ni political analyst at UST Political Science professor Marlon Villarin sa programang “Hot Patatas” ng Daily Tribune at Dyaryo Tirada noong Miyerkules.
Ipinaliwanag niya na sa kabila ng mga agresibong aksyon ng Beijing sa SCS, may ilang bansa ang “malambot” ang paninindigan sa China tulad ng United Kingdom dahil marami silang pakinabang rito, gaya ng minerals na ginagamit para maka-produce ng solar power at electric batteries na kailangan sa electronic industry.
“Titignan po natin kasi minsan eh for example, pag tinanong natin, bakit mukhang lumalambot ang bansang United Kingdom sa China? at titignan din po natin kasi in the future, when it comes to technology, China kasi ang napakaraming leverage. For example, minerals that are being used to produce solar power and electric batteries at alam naman po natin, the world is now shifting into the electronic industry kaya ang tinitignan natin dito, ano nga ba ang dahilan? Ito ba ay isa sa mga leverage kung bakit yung ibang bansa tahimik pa rin?”
Duda ni Villarin, may ibang bansa rin na gustong mapansin ng China para maikinabang sa mga produkto at yaman ng Beijing.
‘”Yong mga bansa kasi, gusto nila in the future mapansin sila at mabigyan kahalagahan ng bansang China, so sana hindi ganon yung sitwasyon,” aniya.
Matatandaan, hindi kinikilala ng Beijing ang 2016 arbitral ruling na nagbasura sa “historical” claims nito sa South China Sea,
Tinawag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang arbitral victory na isang pirasong papel na puwedeng itapon sa basurahan noong 2021.