Nagliyab ang isang tanker sa puerto ng Batangas kahapon ngunit agad naapula ang apoy at walang nasaktan sa insidente, ayon sa Philippine Coast Guard.
Nagsimula ang sunog sa m/t Sea Horse alas-9 ng umaga habang ito’y nasa angkorahe ng Alpha.
Unang inalerto sa sunog ang Coast Guard Station Batangas na agad humingi ng tulong sa Bureau of Fire Protection at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, ayon sa PCG.
Naglunsad rin ang CGS Batangas ng search and rescue habang tatlong tugboat sa lugar ang tumulong maapula ang apoy.
Naghanda naman ang Marine Environmental Protection Group Batangas at kumpanya ng Petron ng oil spill boom upang mapigilan ang pagkalat ng anumang krudo o kemikal sa Sea Horse.
Naapula ang sunog mga 11:08 a.m. at iniimbestigahan na kung ano ang sanhi nito.