Pitong miyembro ng New People’s Army ang sumuko matapos yakagin ng kani-kanilang pamilya na magbitiw na komunistang grupo.
Kabilang sa Apoy Platoon ng Sub-Regional Committee ang mga sumuko, ayon kay Lt. Col. Allan Tria, kumander ng 78th Infantry Battalion.
Kabilang sa mga sumuko ang squad leader, medic at finance officer.
Itinuro ng mga sumuko ang kinaroroonan ng mga armas nilang M16 at M14 rifle, M653 carbine, at iba pang materyales na pandigma sa kabundukan ng Borongan City. Nakuha na ang mga ito noong Oktubre 19.
Sinabi ni Tria na nakatulong sa pagsuko ng pito ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamilya nila.
Nagpasalamat naman si Brig. Gen. Noel Vestuir, kumander ng 802nd Infantry Brigade, sa mga pamilya ng sumukong kasapi NPA dahil sa pagkumbinse sa kanila na sumuko.
“Muli naming napatunayan na ang pagmamahal ng pamilya ay nakakapawi ng galit na itinanim ng teroristang CPP-NPA-NDF sa puso ng kanilang mga recruit,” pahayag ni Vestuir.
Inulit naman ni Vestuir ang kanyang panawagan sa mga natitirang NPA sa Samat at Eastern Samar na tugunan ang tawag ng kanilang pamilya na manumbalik sa lipunan palayo sa sakuna.