Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso at matatanggal pa sa puwesto ang isang pulis na nagwala umano at nagpaputok ng baril sa Las Piñas City.
Kinilala ang suspek na si Police Corporal Brannard Castañeda at base sa imbestigasyon, nangyari ang insidente dakong 2:00 ng madaling araw, na nakuhanan ng CCTV camera sa isang bahay.
Sa CCTV, makikita ang suspek na tila hindi na makatayo nang diretso habang may hawak ng baril. Ilang beses niya itong ikinasa at inihampas sa hindi tiyak na bagay dahil hindi na abot ng camera.
Pero maya-maya lang, ilang putok na ng baril ang madidinig. Ayon sa mga residente, madalas umano itong gawin ng pulis kapag lasing.
Hindi nagtagal, umalis sa lugar si Castañeda at nakasalubong si Diomedes Leyte na kakauwi lang at tinutukan umano ng baril sa ulo.
“Bigla niya ko tinutukan ng baril dito po sa ulo, tapos sabi niya ‘Ikaw ba yun?’ Sabi ko ‘Ay di po ako, sir. Kararating ko lang po,’” kuwento ni Leyte nang iharap sa media ni Las Piñas City Police Chief Jaime Santos.
Ayon kay Leyte, hindi niya kilala si Castañeda.
Pero nang paakyat na siya sa bahay, sumunod pa rin daw sa kaniya ang pulis at bubunot ng baril kaya sinunggaban niya ito.
“Paghawak ko ng baril niya, natumba kami dun,” ayon kay Leyte, na nagawang maagaw ang baril ni Castañeda.
Aminado si Leyte na natatakot siya nang sandaling iyon pero pumasok sa isip niya na kinailangan niyang maagaw ang baril dahil baka tuluyan siya ni Castañeda.
Ayon kay Santos, dakong 2:30 am nang makatanggap sila ng sumbong mula sa concerned citizen na may nagpapaputok ng baril. Isang oras ang lumipas, nagkaroon ng insidente sa Rebecca Compound.
Isinailalim umano si Castañeda ballistic at paraffin tests, at mahaharap sa mga reklamong Illegal Discharge of Firearms, Grave Threat, pati na kasong administratibo.