Nagpahayag ng kanilang suporta kay House Speaker Martin Romualdez ang ilang mga mambabatas mula sa Mindanao sa gitna ng mga walang basehang batikos mula sa mga hindi masaya sa ginawa nitong paglilipat ng confidential funds sa ilalim ng proposed 2024 national budget.
Nagpahayag ng pagsuporta sina Surigao del Norte Representative Ace Barbers, Davao Oriental Representative Cheeno Miguel D. Almario, Davao de Oro Representative Maricar Zamora at Representative Francisco Jose Matugas kay Romualdez.
Ipinahayag ng mga kongresista ang kanilang suporta sa Kamara na maganda umano ang ipinakikita, bilang reaksyon sa pag-atake ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung matatandaan, binatikos ni Duterte ang Kamara matapos nitong alisin ang confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education na kapwa pinamumunuan ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.
Ang inalis na pondo ay inilipat ng Kamara sa mga ahensya na nagbibigay ng seguridad sa bansa partikular sa West Philippine Sea.
Pinasinungalingan din ni Barbers ang pahayag ni Duterte na mayroong pork barrel ang Kamara na dapat silipin ng Commission on Audit.
Sinabi ni Barbers na buo ang suporta nito ang Kamara at magpapatuloy umano itong magtatrabaho upang mapanatili ang kapayapaan at mapaunlad ang mga Pilipino.
Ipinahayag din in Almario ang kanyang pagsuporta kay Romualdez at ayon sa kanya, bagama’t iginagalang nito ang opinyon ni dating Pangulong Duterte, iba umano ang nakalagay sa report ng COA.
Dagdag pa ni Almario na naipakita ni Romualdez ang dedikasyon nito para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Nagpahayag din ng suporta si Zamora sa Kamara at kay Speaker Romualdez.
Sinabi ni Zamora na naging masigasig ang Kamara sa pagbabantay at pagtiyak na naipatutupad ng gobyerno ang mga proyekto na kailangan ng mamamayang Pilipino.
Taus-puso naman umano ang pagsuporta ni Matugas kay Speaker Romualdez.
Samantala, nagpahayag rin ng pagsuporta ang mga kongresista mula sa Visayas kay Romualdez.
Sa isang joint statement, nagpahayag ng suporta ang 12 kongresista na mula sa Cebu at ang lahat ng tatlong kinatawan ng Bohol kay Romualdez na nagpakita umano ng natatanging pamumuno at dedikasyon para mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino.
Nakapirma sa joint statement sina Cebu province representatives Rhea Mae A. Gullas (1st District), Edsel A. Galleos (2nd District), Pablo John F. Garcia (3rd District), Janice Z. Salimbangon (4th District), Deputy Speaker Vincent Franco D. Frasco (5th District), Daphne A. Lagon (6th District), at Peter John D. Calderon (7th District).
Pumirma rin sina Emmarie “Lolypop” Ouano-Dizon (Mandaue City, Lone District), Eduardo R. Rama Jr. (2nd District, Cebu City), Sonny L. Lagon (Ako Bisaya Partylist), Maria Cynthia K. Chan (Lapu-Lapu City, Lone District), at Deputy Speaker Raymond Democrito C. Mendoza (TUCP Partylist).
Kasama rin sa pahayag ang mga kinatawan ng Bohol na sina Edgardo Chatto (1st District), Maria Vanessa Aumentado (2nd District), at Kristine Alexie B. Tutor (3rd District).