Sakit ng ulo para sa tatlo sa limang Pinoy ang mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa, ayon sa pinakahuling Pulse Asia survey.
Ayon sa Pulse Asia poll na isinagawa noong Hulyo 19 – 23, tatlo sa limang Pinoy o 63% ang nagsabing ang pagkontrol ng inflation o ang bilis ng antas ng paglobo ng presyo ng bilihin at serbisyo, ang pangunahing dapat tugunan ng pamahalaan.
Ito rin ang natuklasan sa katulad na survey ng Pulse Asia noong Hunyo 2022 kung saan 57% sa mga respondents ay naghayag na ang inflation ang pinaka nakababahalang problema.
Ang pangalawang pangunahing usapin para sa mga Pinoy ay ang umento sa sahod (44%), paglikha ng mas maraming trabaho (31%) at pagtapyas sa kahirapan (30%).
Habang ang iba pang isyu na nag-aalala ang mga Pilipino ay ang paglaban sa katiwalian sa gobyerno (25%), patas na pagpapatupad ng batas (16%), pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka at pagtulong na maibenta ang kanilang mga produkto (13%), paglaban sa kriminalidad (11%), papapatupad ng kapayapaan sa bansa (10%), at pagsuporta na mapasiglang muli ang small entrepreneurs (7%).
Isinagawa ang survey 1,200 adults na may edad 18- anyos pataas.