Bumisita si Russian President Vladimir Putin sa China upang makipagpulong sa kanyang Chinese counterpart na si Xi Jinping bilang bahagi ng layunin ng dalawang matataas na opisyal na palalimin pa ang tiwala sa isa’t isa na nagpapakita rin ng “no-limits” partnership sa pagitan ng China at Russia.
Si Putin at ang kanyang entourage ay lumipad sa Beijing Capital International Airport at ito ay isa sa mga paglalakbay ng Russian president sa ibang bansa mula nang maglabas ng warrant of arrest ang Interntional Criminal Court noong Marso 2023.
Kaugnay pa rin ito sa mga akusasyon laban sa kaniya hinggil sa iligal na pagpapatapon ng mga bata mula sa Ukraine.
Kung maaalala, huling nagkita sina Xi at Putin sa Moscow ilang araw lamang matapos mailabas ang naturang warrant.
Tinanggihan ng Beijing ang pagpuna sa Western criticism sa pakikipagtulungan nito sa Moscow sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan sa Ukraine.
Iginiit nito na ang kanilang mga relasyon ay hindi lumalabag sa mga international norms, at ang China ay may karapatang makipagtulungan sa alinmang bansa na pipiliin nito.
Matatandaan na huling binisita ni Putin ang China para sa Beijing Winter Olympics noong Pebrero 2022 nang ideklara ng Russia at China ang isang “no-limits” partnership ilang araw bago nagpadala ang pangulo ng Russia ng libu-libong tropa sa Ukraine.
Samantala, tinawagan na rin ni Putin ang limang mga matataas na opisyal sa Arab nations kabilang na ang Iran.
Ayon sa Kremlin na nakausap ni Putin sa telepono sina Iranian President Ebrahim Raisi at Syrian President Bashar al-Assad.
Plano din nitong tawagan sina Egyptian President Abdel Fattah al-Sisi, Abbas at Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu.
Nais ni Putin na maging susi para sa tuluyan ng matigil ang kaguluhan sa Israel at ang isa sa mga natalakay ang pagdaan ng humanitarian aid sa Gaza.