Naihatid na sa kanyang huling hantungan nitong Linggo si Francis Jay Gumikib, ang Grade 5 student na namatay umano matapos masampal ng kaniyang guro.
Dumalo ang pamilya at mga kaibigan ni Gumikib sa kaniyang libing sa Antipolo City.
Kung matatandaan, nilinaw ng Philippine National Police na walang kinalaman ang pagsampal ng guro sa pagkamatay ni Gumikib pero ang pamilya nito, aminadong mahirap tanggapin ang naging resulta ng otopsiya.
Naghihintay pa rin umano sila ng sagot kung paanong bigla na lamang namatay ang malusog namang si Gumikib.
“Pina-autopsy ko po siya kahit labag sa kalooban ko bilang ina, pero bakit hindi nabigyan ng magandang kasagutan pa din. Ang hinahanap ko po talaga bakit sa pananapak ng teacher o pananampal ay wala po sa autopsy ng anak ko,” ayon sa inang si Elena.
Ayon sa resulta ng autopsy, cerebral edema secondary to intracerebral hemorrhage o may pumutok na ugat at may pagdurugo sa utak ang naging sanhi ng pagkamatay ni Gumikib.
Nitong Miyerkoles inilabas ng Philippine National Police Forensic Group ang resulta ng autopsy ng estudyante at ayon kay PNP Forensic Group director Brig. Gen. Constancio Chinayog Jr., ang sanhi ng pagkamatay ni Gumikib ay cerebral edema secondary to intracerebral hemorrhage o may pumutok na ugat at may pagdurugo sa utak.