Nasa Korea ngayon ang mga opisyal ng Vivamax sa pangunguna nina Boss Vic del Rosario (Viva Chairman aand CEO) at Vincent Del Rosario (Viva President and COO) para dumalo sa Asian Content & Film Market ng Busan International Film Festival.
Naroon rin ang tinaguriang Vivamax royalty na si Angeli Khang kasama ang kanyang manager na si Jojo Veloso. Kasama rin ang cult director ng Vivamax na si Direk Roman Perez, Jr.
Ayon kay Direk Roman, nandoon siya bilang accredited member ng FDCP (Film Development Council of the Philippines) through his Pelikula Indiopendent group at hindi bilang contingent ng Vivamax.
Dagdag pa niya, talagang malakas ang content ng Vivamax.
“Ang lakas ng Vivamax sa Asia. Parang hotcakes ang mga content,” saad ni Direk Roman at dagdag niya, hindi niya alam kung ilan talaga ang nabentang Vivamax Original titles dahil understandably, ang mga kanya lang daw ang inalam niya.
Sa tingin niya, mga sexy-action genre ang malalakas. Malalakas din daw ang pelikula ni Angeli Khang, na bida sa susunod niyang pelikulang Salakab. Dinig niya ay nabenta rin ang award-winning na Selina’s Gold na si Angeli rin ang bida.
Ayon pa sa direktor, talagang dinarayo raw ng mga kalalakihang OFWs si Angeli sa Busan.
“May grupo ng mga OFWs galing Seoul…two hours from Busan. Bumiyahe sila,” k’wento ni Direk Roman. “Pinuntahan nila si Angeli dahil alam nila na nandito [sa Busan] si Angeli. Tapos, tinawag nila ako sa gate, ‘Direk Roman!’ Nagulat ako. Pero alam kong mga Pinoy OFWs…mapoporma, e. ‘P’wede po bang magpa-picture sa inyo ni Angeli?’ Nakakatuwa.”
Samantala, isang Viva insider naman ang nakausap namin after Direk Roman at ayon sa kanyan, over 60 titles na ang nabenta sa mga Vivamax Original Movies. Ang 40 doon ay sa tatlong Korean distributors at 20-plus naman ang sa Japan.