Ngayong World Teachers’ Day, binibigyang pugay sa bansa ang lahat ng mga gurong nagsasakripisyo upang makapaghatid lamang ng edukasyon saan mang sulok sa bansa.
Ilang mga guro nga na gaya ni Diane Pingul Haban ay araw-araw na tumatawid ng mga ilog at naglalakad nang higit dalawang oras paakyat sa bundok para marating ang Mawacat Elementary School sa Floridablanca, Pampanga at makapagturo sa mga katutubong kabataan.
“’Pag malaki po ilog, yung practice po namin noon ay tinatawid po namin yun or maghihintay po kami ng truck na masasabayan po para makasakay kami para makatawid don, and then pag nakatawid na, lalakad na po kami nang dalawang oras… Mga 20 kilometro po siguro simula po sa ‘min,” saad ni Haban.
“Minsan po ‘pag po maulan, ‘pag may truck makikisakay kami. Kapag walang truck, loader po, yung bako… Na-try na namin kolong-kolong…kuliglig, nasakyan na po namin yun lahat ng different transportation makaakyat lang po kami at para makatipid po ng lakad,” dagdag niya.
Bukod sa suliranin sa transportasyon, isa rin sa kanilang mga problema ang kakulangan ng mga kagamitan sa mga paaralan sa upland barangay.
Pero sa kabila ng mga hamong ito, patuloy na nagbibigay ng buong pusong pagtuturo ang mga guro sa bundok.
“Nale-left behind yung mga anak ko dito, although alam ko naman na may proper care kasi andyan si mama, di po nila pinapabayaan. Sabi ko since meron naman din nag-aalaga sa mga anak…mas kailangan po nila ako doon [sa Mawacat] kasi ‘pag umalis na po ako doon, bagong teacher na naman, maku-culture shock na naman po sila,” sabi ni Haban.