Nakatakdang pulungin ngayong Lunes ni United States President Joe Biden ang kanyang gabineta sa gitna ng posibleng pag-shutdown ng gobyerno simula Oktubre 1 at ayon sa isa sa administration official na pamilyar sa naturang plano, isasagawa ang pagpupulong ng personal sa White House.
Ayon sa mga ulat, mananatili si Biden sa Washington DC nitong weekend at maigting na makikipag-ugnayan sa kanyang legislative affairs team sa pagkuha ng updates kaugnay sa anumang shutdown negotiations sa Capitol Hill.
Sinimulan na rin ng White House ang regular communication nito sa mga ahensiya at sa sarili nitong staff kaugnay sa inaasahang kaso ng funding lapses at sinimulan na ng mga ahensya ang kanilang sariling contingency hearing.
Sinabi rin ng mga opisyal sa dalawang ahensiya ng US government na binabalangkas na ang contingency plans para sa shutdown na maaaring magtagal ng ilang linggo.
Inamin naman ng White House ang walang katiyakan o uncertainty dulot ng kabiguan ng Kongreso na magkasundo o aprubahan ang government funding.