Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Miyerkules ang isang bagong batas, na tinatawag na Trabaho Para sa Bayan Act, na magsisilbing “master plan” ng bansa para sa pagbuo at pagbawi ng trabaho.
Pangunahing itinataguyod at inakda ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, ang Republic Act No. 11962 o ang “Act Establishing the National Employment Master Plan” ay naglalayong tugunan ang kawalan ng trabaho at underemployment, gayundin ang “increasing precarity and informality” ng work arrangements at iba pang hamon sa labor market, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA)
“Ang batas ay tututuon sa pagpapabuti ng employability at competitiveness ng mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng upskilling at reskilling initiatives; at suportahan ang micro, small, and medium enterprises at industry stakeholders,” sabi ng Presidential Communications Office (PCO).
Ang panukala ay lilikha ng inter-agency council, na pinamumunuan ng NEDA secretary, at magsasagawa ng komprehensibong pagsusuri sa sitwasyon ng trabaho at labor market sa bansa, sinabi ng PCO at NEDA.
Tutulungan ng konseho ang mga local government units (LGUs) sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga employment generation at recovery plans sa kanilang mga lokalidad, dagdag nila.
“Sinusuportahan namin ang Trabaho Para sa Bayan Act dahil ito ay nag-aambag sa Philippine Development Plan 2023-2028, na naglalayong pataasin ang employability, palawakin ang access sa mga oportunidad sa trabaho, at makamit ang shared labor market governance,” sabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan sa isang kalatas.
Ang unemployment rate sa Pilipinas ay tumaas sa 4.8 porsiyento noong Hulyo — o humigit-kumulang 2.27 milyong Pilipinong walang trabaho — mula sa 4.5 porsiyento noong Hunyo, sinabi ng Philippine Statistics Authority sa pinakahuling ulat nito.
“Sa pagpasa ng TPB (Trabaho Para sa Bayan Act), mapapadali nito ang mas malakas na koordinasyon at pakikipagtulungan sa mga kaugnay na ahensya at stakeholder para sa mahusay na pagpapatupad ng mga programa sa pagtatrabaho,” sabi ni Balisacan.