Disiplina at dedikasyon ang nagpapapatibay sa isang opisyal ng pamahalaan para manatili sa pagganap sa kanilang tungkuling maglingkod sa mga Pilipino.
Sa tagal ko na rin sa industriya ng pagbabalita , isa si Secretary Carlito Galvez Jr, ang para sa akin ay nagkaroon ng tatlong mukha ng laban at liderato .
Una ay ang serbisyo niya sa militar para tiyakin na manatiling nakahanda ang bansa sa anumang banta sa seguridad at kapayapaan.
Kasama ang mga batikang mamahayag na sina Abel de Leon ng Manila Bulletin , Dyaryo Tirada Editor-in-Chief Rose Novenario at journo na si Paolo Romero, nakausap namin si Galvez sa mini museum at tahanan ni dating Executive Secretary Eduardo Ermita sa Balayan, Batangas kamakailan.
Si Secretary Galvez na noo’y Lt.General ang nagsilbing Western Command Chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nang maganap ang pag-atake ng mga terorista sa Marawi City noong May 2017.
Naging Unified Commander siyang lahat ng pwersa ng pamahalaan para mapalaya ang siyudad sa kamay ng Maute terrorist group.
Nagwakas ang tinaguriang Marawi Siege matapos ang limang buwan at hanggang sa ngayo’y sumasailalim na rin sa rehabilitasyon ang lungsod para sa pagbabalik sa normal na sitwasyon at kabuhayan ng mga mamamayan nito.
Kinilala ni noo’y Pangulong Rodrigo Duterte ang dedikasyon ni Galvez nang italaga siya bilang AFP Chief of Staff noong 2018 at kalaunan ay ipinuwesto bilang pinuno Office of the Presidential Adviser on the Peace Process o OPAPP.
Pero sa pagkakataong ito, hindi baril ang naging sandata ni Galvez laban sa pinakamalaking banta hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, ang pandemya bunsod ng COVID-19.
Sa pagtama ng COVID-19,.muling nahamon ang tatag ni Galvez nang italaga bilang Chief Implementer ng National Task Force against COVID-19 taong 2020 hanggang 2022 .
Sinundan ito ng kanyang papel bilang Vaccine Czar at kabilang sa mga namuno sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases o mas kilala bilang IATF, para sa implementasyon ng mga kahandaan ng pamahalaan laban sa nakamamatay na sakit .
Isa rin si Galvez sa pumawi sa takot ng marami sa bakuna nang magpaturok siya kasama pa ang ilang opisyal ng administrasyong Duterte ng kauna- unahang vaccine laban sa Covid 19.
Ito ay ang Sinovac, ang donasyong bakuna ng pamahalaang China sa Pilipinas.
Idineklara ng World Health Organization (WHO) ang pagwawakas ng COVID-19 bilang global health emergency nitong May 2023, para sa akin isa si Galvez sa nagpakita ng katatagan bilang lider na lumaban upang maging ligtas ang mga Pilipino.
Pero hindi rito nagwakas ang tungkulin ni Galvez matapos iluklok sa puwesto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang kalihim ng Office of the Presidential Adviser on Peace , Reconciliation and Unity (OPAPRU).
Pangunahing misyon niya ngayon ay tiyakin na maging matagumpay ang prosesong pangkapayaan sa bansa.
Kinompirma nito ang pagiging bukas ng administrasyong Marcos Jr. muling pagbuhay sa usapang pangkapayaan sa pagitan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army- National Democratic Front (CPP- NPA-NDFp) na dating naudlot sa ilalim ng gobyernong Duterte.
Ayon sa Kalihim , nais ni Pangulong Marcos ang matamo ang tunay at permanenteng kapayaan sa Pilipinas .
Mula sa karahasan sa Marawi , ang takot ng lahat sa nakamamatay na sakit na COVID-19 muli siyang mahaharap sa panibagong hamon, ang pag-aabot ng kamay ng kapayaan sa mga grupong naging kalaban ng pamahalaan.