UMANI ng sapat na suporta mula sa mga senador ang committee report ng isinagawa ng imbestigasyon ng Senate Committee on Ways and Means patungkol sa mga pakinabang o benepisyo at perwisyong hatid ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Batay sa nilalaman sa rekomendasyon ng Committee Report no. 136 ang tuluyan at mabilis na pagpapalayas ng mga POGO sa Pilipinas.
Nakapaloob din sa report ang apela ng komite sa executive department na agad tugunan ang rekomendasyon ng Senado sa pamamagitan ng agarang pagpapatigil sa operasyon ng lahat ng mga POGO.
Inirekomenda ng report sa Department of Labor and Employment (DOLE) na hanapan ng alternatibong trabaho ang mga Pinoy na maaapektuhan at mawawalan ng trabaho dahil sa POGO.
Hiniling din sa Bureau of Immigration (BI) na kanselahin at bawiin ang working visa na unang inisyu sa mga dayuhang nagtatrabaho sa POGO industry at ang agad na pagpapatupad ng deportation sa mga ito salig sa immigration rules at regulations.
Ayon kay Senate Ways and Means Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian, ang rekomendasyon ng komite ay isang mahalagang hakbang para mapigilan ang paglaganap ng krimeng nagmumula sa ilang kumpanya ng POGO.
Magugunitang nagsagawa ng imbestigasyon ang Senado patungkol sa mga krimeng kaakibat ng POGO at inabot ng ilang buwan bago naglabas ng kanilang rekomendasyon ang komite at nagkasundong imungkahi ang tuluyang pagpapalayas sa mga POGO sa bansa.