Lumabas na ang totoong “Crush” ng Pinay TikTok superstar at singer na si Bella Poarch.
Ito ay ang bago niyang single na collaboration nila ng Amerikanong singer-composer na si Lauv.
Ibinalita sa video ng GMA News ang MTV ng nasabing song na tungkol sa pakiramdam ng pagkursunada sa isang napupusuan.
Sa lyrics ng “Crush,” inilarawan nila Bella and Lauv ang pakiramdam ng nagkaka-crush, tulad ng paglipad ng mga paru-paro.
Makulay rin ang tugtog ng awit pati na ang music video nito kung saan makikita si Bella sa isang pool party at sleepover.
Sumasayaw rin ang Fil-Am content creator na may milyon-milyong fans sa TikTok at lumangoy sa pool at kumakanta habang nagpa-piano.
Noong nakalipas na taon, inamin ni Bella sa isang panayam sa ABS-CBN kung sino ang crush niyang artistang Pinoy.
Ang maswerteng lalaki ay walang iba kundi si Joshua Garcia.
Napaulat pa na nagpalitan ng text message ang dalawa.
Kung crush pa rin ni Bella ang bida ng “Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan” ay hindi pa batid.
Ang tiyak lamang ay may bago siyang “Crush” na inaasahan niyang tatangkilikin ng kanyang mga tagasunod.
Samantala, crush naman ni Lauv ang mga Pinoy at pinatunayan niya ito sa pag-entertain sa kanila sa concerts niya sa Waterfront Cebu City Hotel & Casino noong ika-9 ng Setyembre at sa SM Mall of Asia Arena naman noong ika-11 ng buwan.
Ang dalawang show ni Lauv ay bahagi ng Asia leg ng kanyang Asia concert tour na kasalukyang umaarangkada.
Sa kanyang pag-perform sa Pilipinas, nagbigay siya ng dagdag na sorpresang aliw sa isang branch ng Jollibee at sumulat ng napakatamis na love letter para sa kanyang mga Filipino fans, ayon sa ulat ng GMA News.