Hindi lang beauty queen si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach. Isa na rin siyang nobelista ngayon nang i-launch niya last week ang kanyang unang sinulat na librong may pamagat na “Queen of the Universe.”
Ang nasabing nobela na batay sa totoo niyang buhay ay published ng Tuttle at mina-market ng ABS-CBN bilang literary agent ni Pia.
Sa book launching ng “Queen of the Universe” nitong Huwebes sa Manila International Book Fair in Pasay City, sinabi ni Pia na nagsimula niyang isulat ang draft ng nobela habang nakasakay siya sa eruplano.
“Kasi wala kang ginagawa sa eroplano, nakaupo ka lang eh. So you have a few drinks and you get creative,” pahayag ng beauty queen, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.
Sinulat niya ang konsepto ng storya sa isang notebook. Aniya, pinagkabit-kabit niya ang mga pangyayari sa kanyang buhay at mga taong nasa paligid niya.
Nilarawan niya ang libro na dating isang maliit na puno na dinagdagan niya ng mga sanga-sanga.
Sa launching ay nag-autograph ng libro si Pia sa mga unang bumili ng nobela. Inaayos din niya ang mga susunod na meet-and-greet sa kanyang mga fans at book signing para sa kanyang nobela.
Plano niyang isagawa ang mga iyon sa iba-ibang bahagi ng Pilipinas at sa ibang bansa.
Kasama sa itinerary ang Metro Manila at Cebu. Sa abroad naman ay sa Singapore, Dubai at pati na sa US at Europe.
Pinapangarap ni Pia na maisapelikula o maiteleserye ang kanyang nobela balang araw.