Nadiskubre ng mga siyentipiko na posibleng may tubig sa surface ng isang planeta sa labas ng ating solar system, na nagpatibay sa posibilidad na habitable o maaari gawing tirahan.
Sa ulat ng “Next Now,” sinabing ito ang lumabas na ebidensiyang nakalap ng James Webb Space Telescope, mula sa K2-18 b, na mahigit walong beses ang laki kaysa Earth.
May natukoy ding methane at carbon dioxide sa atmosphere ng K2-18 b, na isang indikasyon na mayaman sa hydrogen ang atmosphere ng planeta.
Ang carbon ang building block ng mga buhay sa Earth.
Bukod dito, may nakita ring palatandaan na may dimethyl sulfide sa K2-18 b, isang molecule na nililikha rin ng mga nilalang na naninirahan sa Earth.
Kaya naman posible umano na may “alien life” sa K2-18 b. Gayunman, kailangan pa ng mas masusing pag-aaral.
Hindi naman basta-basta puwedeng marating ng tao ang planeta dahil may layo itong 120 light-years mula sa Earth.
Wala ring kasiguruhan na akma sa tao ang atmosphere ng K2-18 b.
“Our ultimate goal is the identification of life on a habitable exoplanet, which would transform our understanding of our place in the universe,” sabi ni Nikku Madhusudhan ng University of Cambridge.
(GMA)