Pinili ng mga Pilipino sa Morocco na naapektuhan ng lindol na manatili habang patuloy pa rin ang buhay doon sa kabila ng tumamang malakas na 6.8-magnitude na yumanig sa nasabing bansa noong nakaraang linggo ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Paul Cortes.
Hindi aniya tulad sa lindol sa Turkiye noong Pebrero ng kasalukuyang taon kung saan humiling ng tulong ang mga Pilipino doon sa gobyerno ng Pilipinas na para sa kanilang repatriation.
Bagamat nagpasya ang mga Pilipino sa Morocco na manatili doon sa ngayon, muling iginiit ng opisyal na handang tumulong ang gobyerno ng Pilipinas kung magpasya silang umuwi.
Ibinahagi rin ni ASec. Cortes na karamihan sa mga Pilipino sa Morocco ay naninirahan at nagtatrabaho sa kabisera ng Rabat bilang mga household worker at blue-collar worker, habang nasa 50 Pinoy ang nasa Marrakesh
Sa kabutihang palad wala namang nawalan ng trabaho at wala rin aniyang naiulat na mga Pilipinong nasawi dahil sa lindol na sa kasalukuyan ay kumitil na sa mahigit 2,100 katao.