Arestado ang isang lalaki matapos umano nitong mapatay sa pambubugbog ang sariling ama sa Tuburan, Cebu.
Base sa ulat ng Tuburan police, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng 60 anyos na biktima at 27 anyos niyang anak noong gabi ng Sabado sa kanilang bahay sa Barangay Colonia at pinaniniwalaang lasing ang biktima at suspek nang mangyari ang insidente dahil pareho silang nasa inuman noon kasama ang mga kapitbahay.
Dagdag pa ng pulisya, nainis umano ang suspek sa mga sinabi ng kaniyang ama, dahilan para bugbugin niya ito hanggang bumagsak ito sa sahig at mabagok ang ulo, dahilan ng agaran niyang pagkamatay.
Sinamahan naman ng ina ang anak sa pagsuko sa mga pulis.
Mahaharap umano ang suspek sa kasong parricide na nakasaad ito sa Revised Penal Code, kung saan pinaparusahan ang mga ascendant o descendant ng suspek, gaya ng asawa, anak, o mga magulang.
Ayon sa Revised Penal Code, reclusion perpetua ang maaaring parusa sa sino mang mapapatunayang gumawa ng parricide.