Kung dati ay sa cellophane o papel nakalagay ang masarap na polvoron, ngayon mayroon na ring nakalagay sa garapon na naisipang inegosyo ng mag-asawa. Ang kita, puwedeng umabot ng hanggang P35,000 kada buwan.
Sa programang “Pera Paraan,” ipinakilala sina Jonete Clemente at Jeffrey Enriquez, owner ng Langit Lupa Polvoron na nasa garapon.
Nagsimula ang kanilang negosyo sa simpleng pag-crave ni Clemente sa polvoron dahil ito ang kaniyang paborito. Ngunit may pagkakataong hirap silang makabili kaya sinubukan niya na gumawa nito.
Sakto namang nag-iisip din sila ng negosyo ni Enriquez. Sa pamamagitan ng pag-search sa internet at panonood sa YouTube, natuto ang magkasintahan na gumawa ng polvoron.
Gayunman, “epic fail” sa umpisa ang kanilang gawa at walang kakaiba sa lasa.
Ngunit hindi sumuko sina Clemente at Enriquez hanggang sa makuha nila ang tamang timpla.
Mayroon sila ngayong tatlong flavor ng kanilang polvoron sa garapon business na cereal, cookies and cream at chocolate chip cookie, na mabibili ng P120 kapag small jar at P195 naman kapag big jar.
“Para maging unique, kakaiba. Kasi ‘yung mga tao ngayon kakaiba na eh, gusto nila ng kakaibang bagay, kakaibang pagkain,” sabi ni Enriquez.
Para maingatan at hindi mabasag ang garapon, inilalagay nila ito sa bubble wrap kapag idinilever.
Bago magnegosyo, dating empleyado si Enriquez na line cook, habang kasisilang pa lang ni Clemente sa pangalawa nilang anak.