Malaking palaisipan sa ilang opisyal at kawani ng Philippine Information Agency (PIA), People’s Television Network Inc. (PTNI) at Intercontinental Broadcasting Network (IBC-13) ang umano’y pagtatayo ng studio ng businessman – host na si Willie Revillame sa loob ng gusali ng PIA, na pagmamay-ari ng gobyerno.
Nagsimula lahat nang ipaskil ni PIA Deputy Director General Katherine Sinsuat de Castro sa Facebook ang mga larawan na kasama niya ang ilang opisyal ng PCO at attached agencies nito noong 9 Agosto 2023 sa isang mistulang bodegang parte ng PIA building.
“It was an exciting morning with the one and only Mr. Willie Revillame. With us is PCO Secretary Usec. Gerald Baria, PTV General Manager Ana Puod, IBC President Jimmy Policarpio, PTV HEA Ma. Cristina Stohner Tan. PIA DG Joe Torres was represented by DDG Karl Louie Fajardo, ODG COS Atty. Deo Culla, ADG Alvin Lorenzo, MS.Liberty Aragones, Atty. Julius De Peralta and yours truly.”
Nabatid sa source sa Malacanang ng Dyaryo Tirada, na planong magkaroon umano ng noontime show ni Revillame sa state-run PTV4 at kasabay na isasahimpapawid din sa IBC-13, isang government owned and controlled corporation (GOCC).
Sinabi ng source, hindi dumaan o hindi aprubado ng PTV4 Board of Directors ang balak na noontime show ni Revillame.
Si PTV4 acting general manager Anna Puod ang siya ring chairman of the board ng state-run television network.
Habang si Jimmy Policarpio, ang president at CEO ng IBC-13 at si Joe Torres naman ang director general ng PIA.
Wala pang opisyal na pahayag ang alinman sa naturang mga ahensya kaugnay sa usapin habang isinusulat ang balitang ito.