TINANGGAL sa puwesto ang hepe ng Rodriguez police sa Rizal dahil sa isyu ng command responsibility matapos masangkot ang tauhan nito sa pamamaril sa 15-anyos na binatilyo noong August 20.
Una nang sinabi ng Rizal police na hinabol ng hindi-nakauniporme na si Police Cpl. Arnulfo Sabillo ang naka-motorsiklong kapatid ng biktima matapos itong hindi huminto para sa inspeksyon noong Agosto 20.
Nang makarating malapit sa bahay ang motorcycle rider, tinanggal nito ang helmet at ibinato sa pulis kaya umano ito nagpaputok ng baril. Sakto namang natamaan ang kapatid ng rider na si John Frances Ompad alyas Kulot.
Para bigyang daan ang imbestigasyon sa kaso, iinlagay muna sa floating status si Rodriguez police chief PLt.Col. Ruben Piquero at ibinalik muna sa Provincial Personnel Holding and Accounting Section.
Pinalitan siya ni Lt Col. Arnulfo Selencio.
Sa isang text message sa ABS-CBN News sinabi ni PNP spokesperson Jean Fajardo, na kasama sa magiging imbestigasyon ang posibleng pagkukulang ni Piquero bilang hepe ng Rodriguez Police.
“He was administratively relieved for command responsibility po. He will be subjected to investigation to determine if there were lapses on his part as the commanding officer of the involved policeman,” sabi ni Fajardo.
(abs-cbnnews.com)