Gaganapin sa Disyembre 9 ang special election para sa Third Legislative District ng Negros Oriental upang punan ang bakanteng posisyon dulot ng pagpapatalsik kay dating Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Ito ay matapos matanggap ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia ang Certificate of Permanent Vacancy and Resolution Calling for a Special Election mula sa House of Representatives.
Sinabi ng poll body na maaaring maghain ang mga aspirante ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) mula Nobyembre 6 hanggang 8.
Inaprubahan din ng Comelec en banc ang mga petsa ng iba pang kaugnay na aktibidad.
Magsisimula ang election period mula Nobyembre 9 hanggang Disyembre 24, na kasabay ng pagpapatupad ng gun ban.
Ang panahon ng kampanya naman ay mula Nobyembre 9 hanggang Disyembre 7.
Kung matatandaan, pinatalsik ng Kapulungan ng mga Kinatawan si Teves noong unang bahagi ng buwan sa isang makasaysayang 265 na boto, na binanggit ang kanyang political asylum bid sa Timor Leste, patuloy na pagliban, at malaswang pag-uugali sa social media nang sumayaw siya sa kanyang undergarments sa isang post.
Una na rito, si Teves ay ang inaakusahang mastermind sa pamamaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.