Bagama’t wala na sa serbisyo ay tuloy pa rin ang pagdi-dilihensya ng isang retiradong police general na itinago po natin sa pangalang “Yebah.” Ibang klase ka rin ‘no, Heneral Yebah?!
At kung magpapatuloy ang ganitong raket ni retired police general, masasayang lamang ang effort ng administrasyong Marcos Jr. laban sa iba’t-ibang uri ng iligal na sugal. Sana seryosohin ng pamahalaan ang kampanyang ito, dahil sa totoo lang nasa bakuran lang nila ang mga salot sa lipunan.
Maangas, este, may angking tikas daw itong si Yebah, katunayan mahaba ang talaan ng mga sensitibong pwestong kanyang hinawakan. Pero sa kabila ng pagiging bibo ni retired police general sa mga pasugalan, wala naman itong ginagawa pagdating sa problema sa ilegal na droga. Tsk! Tsk!
Nang magretiro sa serbisyo noong nakaraang taon, si Yebah pumostura at nagsumiksik sa isang ahensya sa pag-asang itatalaga maski komisyonado man lang sa naturang tanggapan ng gobyerno. GAME ka na ba ma-AMUSE?
Matapos ang mahigit isang taon, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si retired general na tila nalilibang pa nga sa nakasanayang delihensya, gamit ang pangalan ng mga opisyales ng naturang ahensya.
Bitbit ang kanyang mga amuyong, ni-raid ang halos lahat ng klase ng pasugalan – e-sabong, POGO, jueteng, EZ2, peryahan at iba pang tinatawag na sugal lupa sa Central Luzon, Calabarzon at Metro Manila.
Tulad ng inaasahan, positibo ang bawat lakad – mga iligal na sugal nabisto, may mga suspek na arestado. Pero ang nakapagtataka, walang sinampahan ng kaso o natulog man lang kahit isang magdamag sa masikip at mabahong hoyo. Matic, alams na! hehe
Tama! Nagpapa-areglo si retired general sa mga operasyong walang pahintulot o basbas man lang ng gobyerno.
Sa isang pagpupulong ng mga operator ng iligal na sugal sa Region III, Calabarzon at Metro Manila, nagkasundo ang mga kapitalista ng sindikato na alamin kung sino ang amo ni Yebah para isang aregluhan na lang.
Ang masaklap, malaki na ang nakulimbat sa kanila nang napagtanto na kolorum pala si retired general. Ginamit lang ni Yebah ang pangalan ng chairman at commissioner ng naturang ahensya.
Kung wala siyang pwesto o basbas man lang ng pamunuan ng ahensya, malinaw na holdap ang bagong diskarte ni retired police general. Saan kumuha ng mandato o direktiba man lang si Yebah sa mga inilunsad na opensibang pera-pera?
Ayon sa ating impormante, nagpapalamig ngayon itong si Yebah tangay ang kanyang limpak-limpak na delihensya kesehodang bahiran ng batik ang nasabing ahensya.
Taytay local farmers, umapela ng tulong
Samantala, nangangamba namang mawalan ng hanap-buhay ang mahigit apatnapung magsasaka sa Taytay, Rizal dahil unti-unti nang kinakamkam ang mga lupaing kanilang sinasaka.
Ayon sa mga magsasakang kasapi ng Rizal Lakeshore Farmers’ Cooperative, unti-unti na raw kinakamkam ng mga informal settlers at mga mapeperang indibidwal ang mahigit isang daang ektaryang lupaing pinagtataniman nila ng palay at mga gulay.
Pagmamay-ari ng Laguna Lake Development Authority o LLDA ang nasa 157 hectares ng lupaing sinasaka ng mga local farmers sa bahagi ng Sitio Siwang, Barangay San Juan. Anila, hindi naman nila inaangkin ang nasabing lupain dahil nakikisaka lamang sila dito.
Kung hindi pakikinggan ang kanilang mga hinaing, at kung patuloy na tatambakan ang mga lupaing kanilang sinasaka, mawawalan sila ng pagkain sa mesa. Anila, tatlong dekada na silang nagsasaka rito.
Kaya naman nakikiusap sila sa LLDA at sa lokal na pamahalaan ng Taytay na tulungan silang maipagpatuloy ang pagsasaka sa nasabing lugar sa mga darating pang mga taon dahil ito lamang ang kanilang pangunahing hanap-buhay.
At ayon naman kay Taytay Mayor Allan De Leon, bagama’t nais nyang tulungan ang mga magsasaka, wala naman syang magagawa kung privately owned ang nasabing mga lupain.
Paglilinaw ng alkalde, may malasakit naman sya sa mga magsasaka sa kanilang bayan ngunit wala naman anya sariling lupain ang munisipalidad na pwedeng sakahin at pagtaniman ng mga gulay ng mga magsasaka.