Handa na ang Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Marikina at ang Department of Education para sa darating na Palarong Pambansa.
Magmula sa seguridad, billeting, grand parade, hanggang sa playing venues at lahat ng mga kinakailangang paghahanda ay plantsado na, pagtitiyak ni Marikina Mayor Marcy Teodoro.
Samantala, pinangunahan naman ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, kasama sina Mayor Teodoro at Interior Secretary Benhur Abalos Jr. ang technical inspection Biyernes ng hapon sa Marikina Sports Center na magsisilbing main venue para sa Palaro.
Lumagda rin sa isang memorandum of agreement sina Vice President Duterte at Mayor Teodoro para sa pagsasagawa ng 63rd Palarong Pambansa sa lungsod.
Habang nagre-recover pa ang bansa sa mga epekto ng pandemya, tiniyak din ng lokal na pamahalaan na may mga inilagay na pananggalang para protektahan ang mga atleta at mga delegado mula sa banta ng Covid-19.
Naka-standby anya ang swabbing facility maging ang molecular and diagnostic laboratory para sa Covid testing ng mga delegado. Nakahanda na rin ang isolation facility ng lungsod para sa mga delegadong magpopositibo sa naturang sakit.
May mga naka-deploy din na medical teams sa mga playing venues at billeting schools ng mga delegado hanggang sa huling araw ng kanilang pananatili sa lungsod. Regular ding magsasagawa ng fumagation at sanitation activities ang lokal na pamahalaan sa mga billeting quarters at playing venues.
Kanila ring ininspeksyon ang lahat ng playing venues at billeting quarters upang matiyak ang kaligtasan at ginhawa ng mga delegado. Nagsagawa rin ng simulation activities para sa Palaro Parade para i-assess ang lahat ng posibleng mangyari at tiyakin ang maayos na daloy parada.
Samantala, bumuo naman ng task force ang Eastern Police District upang matiyak ang kaligtasan ng mga atleta, mga delegado, at ang pangkalahatang publiko sa kasagsagan ng Palaro.
Mahigit isang libong security personnel ang ipapakalat sa buong lungsod para i-secure ang mga delegasyon during the event.
Bubuksan din ng lokal na pamahalaan ang Marikina Shoe Trade Fair at Bancheto sa Marikina Freedom Park bago dumating ang mga Palaro delegates. Hinihikayat din ng alkale ang mga delagado na tanglikin ang mga sapatos at iba pang leathergoods na gawang Marikina.
Ayon sa alkalde, isang malaking karangalan para sa mga Marikeño ang pagiging host ng lungsod sa Palarong Pambansa ngayong taon.
“Ang Palarong Pambansa ay hindi lamang dangal ng Marikina, ito ay karangalan ng bawat Pilipino at ng ating bansa,” ani Teodoro.