Pinaiimbestigahan ni Sen. Grace Poe ang talamak pa rin na text scams gamit ang mga subcriber identity modules (SIMs) sa operasyon ng illegal na Philippine Offshore Gaming Operation (POGOs).
Kaugnay nito, isang Senate resolution ang inihain ni Poe upang magsagawa ng imbestigasyon ang kaukulang komite sa Senado upang sa ganoon ay matukoy rin kung talagang ipinapatupad ang Republic Act. No. 11934 o ang tinatawag na SIM Registration Act matapos na ito ay maging batas isang taon na ang nakalilipas.
“The law aims to protect users from scams and hasten law enforcement in investigating phone-related scams,” ani Poe na pangunahing may-akda ng naturang batas.
Idinagdag pa ni Poe, chairman ng Senate Committee on Public Service , “The registration of SIM should help unmask fraudsters and deny them of sanctuary to hide. But, are these being achieved?”.
Ipinagtataka ni Poe na sa kabila na tapos na ang itinakdang pagpaparehistro ng mga SIM ay patuloy pa rin nakakatanggap ng mga text scam at iba pang uri ng mga panloloko ang mga telcos subsribers.
Tinukoy ng senadora na sa nakalipas na mga isinagawang raid sa mga POGO natukoy na ilang libong SIM cards ang ginagamit para sa illegal na operasyon.
“The law mandates that SIM should not be used for unlawful purposes and that owners have verified identity,” giit ni Poe.
Kaya ang tanong ng marami, epektibo ba ang implementasyon ng batas?
Dahil dito iginiit ni Poe na dapat ay magpaliwanag ang mga implementing agencies, telecommunications companies at law enforcement agencies kung paanong nairehistro ang libu-libong SIM cards na ginagamit sa fraudulent operations.
Pinaalalahanan ng senadora ang National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology at ibang mga ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan na magsumite sa Kongreso ng kanilang ulat at magbigay ng update ukol sa pagpapatupad ng ating batas.
Sa Oktubre 2024 ay umpisa na ang paghahain ng certificate of candidacy ng mga lalahok sa 2025 midterm elections kaya’t malamang na ilang malalaking negosyante gaya ng mga Ayala ng Globe at MVP ng Smart ay mag-ambag sa campaign kitty ng mga kandidato.
May mapaparusahan kaya sa mga paglabag sa SIM Card Registration Act?.