Nakaligtas si Vice Ganda matapos masangkot sa aksidente nang araruhin ng isang truck ang kaniyang sasakyan, kasama ang tatlong iba pa sa Quezon City nitong Linggo.
Ang “It’s Showtime” host, nag-alala sa kalagayan ng ibang biktima maging sa driver ng truck.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ipinakita ang video na kuha ni Jeffie Bequillo, na saksi sa aksidenteng nangyari sa panulukan ng Katipunan Avenue at C.P. Garcia Avenue dakong 12 a.m.
Sa video, makikita ang nag-aalalang si Vice na inaalam at kinumusta ang mga pasahero ng mga sasakyang sinalpok ng truck.
Ayon kay Bequillo, pa-U-turn ang mga sasakyan nang banggain sila ng truck.
Posibleng umanong nakatulog ang truck driver ang nagdire-diretso sa concrete barrier kaya sumalpok sa mga kotse.
Ilang saglit pa, dumating na ang mga awtoridad at isang ambulansiya. Mabuti naman na walang malubhang nasaktan sa insidente.
Sa “It’s Showtime” nitong Lunes, inilahad ni Vice ang insidente, sinabing nag-aalala siya para sa driver ng truck na nakabangga sa kanila.
“Naararo kami, apat kaming sasakyan. Parang nakatulog ‘yung driver. Wasak na wasak. So sana po tulungan niyo ‘yung driver… ‘Yung may-ari ng truck sana tulungan niyo ‘yung driver kasi naaawa rin ako roon sa driver,” sabi ni Vice.
Sinabi ng delivery platform na Lalamove sa isang pahayag na nakikipag-ugnayan na sila sa operator ng truck na nasangkot sa aksidente, at nakikipag-tulungan din sila sa imbestigasyon ng mga awtoridad.
Inihayag din nila ang kanilang pasasalamat kay Vice sa kaniyang concern sa mga naaksidente, kabilang na ang driver ng truck.