Pormal nang pinalitan ng pangalan na Fernando Poe Jr. station ang LRT1 Roosevelt station bilang parangal sa yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino na mas kilala rin bilang si FPJ.
Sa ceremonial unveiling ng bagong station signange, binigyang diin ni Senator Grace Poe, ang adopted daughter ng aktor, ang mga kontribusyon ng mga Filipino artist sa bansa.
“Ang mga artista sa ating lipunan, ngayon na lang kinikilala ang kontribusyon. Noon ang tingin, artista ka lang. Ngayon meron na tayong train stop. Hindi lang si FPJ ang magiging huli. Malay niyo sa susunod, iba naman sa ating industriya,” saad ng senadora.
“Si FPJ ang naging simbolo ng ating mga mamamayan—pulis ka man, guro, estudyante, manggagawa, lahat tayo, araw araw ay nagsisispag at kumakayaod para bigyan ng magandang kinabukasan ang ating mga anak,” dagdag niya.
Kung matatandaan, Disyembre 2021 nang lagdaan ni dating Pangulong Rodgrigo Duterte ang Republic Act 11608, na naglalayong palitan ang Roosevelt Avenue sa Fernando Poe Jr. Avenue. Inilagay naman ang naturang street sign noong December 2022.
Ang Roosevelt Avenue ay matatagpuan sa unang legislative district ng Quezon City, tahanan ng ancestral residence ni Poe kung saan ginugol niya ang kanyang pagkabata.